Archive for Philippine midterm elections

Sino ang HINDI ko iboboto sa ika-13 ng Mayo

Posted in Uncategorized with tags , , , , on May 7, 2013 by juststrikeback

Parang mas madali yata na isantabi na lang ang pagboto ngayong ika-13 ng Mayo. Sa unang pagkakataon, masasabi kong nauumay ako sa mga pinagsasasabi ng mga kandidatong nanliligaw ng aking boto. Pero dahil sa mas pagsisisihan ko ang hindi pagboto, minabuti ko na lang na piliing mabuti ang mga kandidatong aking susuportahan. Kahit na mas madaling sabihin ang mga hinahanap ko sa isang kandidato, minabuti kong sa pagkakataong ito ay ilista ang mga HINDI ko iboboto ngayong ika-13 ng Mayo.

Kung kandidato ka, huwag kang mag-alala. Hindi kita direktang papangalanan. Itago mo na lang ang kahihiyan kung sakaling ika’y tamaan. Kung sakali mang hindi swak ang mga deskripsyong na ilalahad ko sa mga katangian mo, malamang sa malamang, ikaw ay nasa listahan ko.

Sino nga ba ang hindi pasok sa aking panlasa sa darating na halalan?

1. BIMPO: Hindi po Good Morning Towel  ang tinutukoy ko. Ang ibig sabihin ng BIMPO ay mga Batang Itinapon ng Magulang sa Politika. By saying na “batang itinapon”, sila ay ang mga kandidatong walang kamuwang-muwang sa pinaggagagawa nila pero tumatakbo dahil dikta ng magulang na gustong may pumalit sa kanila sa poder ng kapangyarihan. Maraming ganyan. Tipong nasorpresa dahil di niya inexpect na tatakbo siya, pero dahil anak ni ganito o ni ganyan at nagpeperform ng mahusay sa [bayarang] survey, e pinatakbo na lamang.

2. Kandidatong pakiramdam ko’y mas mangmang pa sa akin: Paumanhin, pero di naman ako nagmamayabang sa puntong ito. Pero maraming kandidatong mukhang wala namang alam. Mayroon diyan, gustong tumakbong senador pero ayaw namang makipagdebate. Marami ring ganyan sa lokal na pamahalaan. Kaya walang usad, ipinagkakatiwala natin ang pagpapatakbo ng ating gobyerno sa ganitong klaseng mga tao.

3. Mga walang kapasidad mamuno: Halimbawa ay mga Mayor o Kongresista na ang tanging experience sa pamamahala ay yung nakaraang term nila. Sorry, kung hindi ninyo ako nabola noon, lalo  na ngayon.

4. Mga balimbing: Kampi kay ganito noon, pero iba na ngayon. Political butterflies kung sila’y tawagin. Depende sa kung sino ang makapangyarihan ang kanilang susuportahan.

5. Mga ‘Mesiyas’: Aba, may mga kandidatong kung anu-ano ang ipinapangako. Murang pagkain, tamang presyo, pagsugpo sa korupsyon, libreng edukasyon, suportang medikal, libreng gift check, pera, yaman, kaginhawahan, kaunlaran, at kung anu-ano pa. Mga kababayan, lumang taktika na ‘to. Pero ang nakakalungkot, bumebenta pa rin. Sana lang, ‘di mabilis makalimot ang mga botante. Sana lang, subaybayan nila ang mga kandidatong nananalo at tingnan kung tinutupad ba ng mga ito ang mga pangakong kanilang binitiwan.

6. Mga nanalo na sa mas mataas na pwesto noon pero piniling tumakbo sa mas mababang pwesto ngayon: Mga manong/manang, what’s the point? Kung wala kayong nagawa noon nung nasa mas mataas kayong kapangyarihan, anong nagpapaniwala at nakakumbinsi sa inyong may magagawa kayong pagbabago pag nahalal kayo sa mas mababang pwesto? Ang hirap kasi sa kapangyarihan, nakakaadik. Ang hirap sa mga oportunista, hindi na pwedeng asahang magbago. At ang hirap sa mga botante, hindi natututo.

7. Mga magnanakaw, corrupt, at walang integridad: Palagay ko, hindi ko na kailangang ipaliwanag ito.

Ilan lang ang mga ito sa mga hindi ko kakaltusan sa aking balota ngayong halalan. Sa puntong ito, konti lang talaga ang aking iboboto. Patuloy pa rin ako sa pagpoproseso ng mga plataporma at pangakong binibitawan ng mga kandidato. Hinahangad kong ang maikling listahang ito ay makatulong sa iilang makakabasa nito ilang araw bago dumating ang halalan.

Alam ko, isang boto lang ang kaya kong ibigay sa ika-13 ng Mayo. Sana’y malayo ang marating ng aking munting tinig at makatulong sana ito sa pagkamit ng inaasahan nating lahat na pagbabago. At sana’y tunay na pag-isipan ng ating mga kababayan ang kanilang desisyon sa darating na halalan.